Sa Muling Pagbubukas ng Inyong Bahay-Panambahan, Alamin Kung Paano Magsasama-sama ng Ligtas

Nagmumungkahi ang isang global health expert ng detalyadong gabay-panuntunan para sa muling pagtitipon ng mga kongregasyon sa gitna ng pandemic na ito.

Christianity Today May 20, 2020
Illustration by Mallory Rentsch / Source Images: Anshu A / Unsplash / WikiMedia Commons / MirageC / Getty Images

Sa nakalipas na apat na buwan, lumaganap sa buong daigdig ang isang bagong coronavirus na nagbunga ng punong-punong mga ERs sa mga pagamutan, mga pasyente sa mga ICUs na naka-ventilator at mga pamilyang nagluluksa at nananaghoy sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay. Upang masugpo ang pagkalat ng virus na ito, nagpatupad ang maraming mga bansa ng istriktong kautusang manatili ang mga mamamayan sa loob ng kani-kanilang mga tahanan. Ang pamamaraang ito ay mahigpit at nakasasakal subalit pinaniniwalaang kailangang ipatupad sapagkat maraming mga bansa ang hindi naging handa sa dagliang pagkalat ng virus. Kung walang ginawang hakbangin na tulad nito ang mga bansa, maaaring hindi nakayanan ng kani-kanilang mga sistema at institusyong pangkalusugan ang mabilis na pagkalat ng impeksiyon at maaari ring naging mas mabilis pa ang pagdami ng bilang ng mga namatay dito.

Sa panahon ng krisis na ito, ipininid ang mga bahay panambahan sa US at sa iba pang panig ng mundo. Pansamantalang ipinatigil ng pamahalaan ang mga panambahan at iba pang mga gawaing panrelihiyon. Katulad ng iba pang mga ginawang aksiyon ng pag-iwas at pagsugpo sa COVID-19, maaaring hindi natin talaga malaman kung epektibong nalimitahan ba nito ang pagkalat ng virus. Gayunman, bilang isang pandaigdigang paham sa larangan ng kalusugan na may 25-taon na karanasan sa pagsugpo ng ibat-ibang mga karamdaman sa ibat-ibang panig ng mundo, nakasisiguro ako na naiwasan nito ang pagkakasakit ng mga mananamba sa mga bahay-sambahang ito gayundin ang kanilang mga pamilya at kaibigan.

Sa US, pagkatapos ng anim o higit pang linggo ng istriktong pagpapatupad ng kautusang manatili ang lahat ng mga mamamayan sa kanilang mga tahanan, tumaas ang bilang ng mga nawalan ng trabaho. Maraming mga mamamayan ang bagot na bagot na sa pananatili sa loob ng kanilang mga tahanan. Parami rin ng parami ang mga nananawagan sa pamahalaan na bawasan na ang paghihigpit sa kani-kanilang mga pamayanan.

Nagbabala ang mga eksperto sa kalusugang pampubliko na ang US ay may kakulangan pagdating sa testing, contact tracing at kakayahan sa pag-quarantine sa mga nagkakasakit upang masugpo ang pandemic. Sa kabila nito, nagbawas na ng paghihigpit ang ilang mga estado. Pinayagan nang mabuksang muli ang mga non-essential businesses sa kani-kanilang mga lugar.

Sa kasalukuyan, nahaharap ang ating mga iglesya sa isang napakahirap na desisyon – kailan natin bubuksang muli ang ating mga bahay panambahan at paano natin gagawin ang ating mga pagsamba at pagmiministeryo ng ligtas.

Iminumungkahi ko na ang marapat nating gawin upang makausad pasulong ay ang magkaroon tayo ng maliliit at paisa-isang hakbang patungo sa muling pagbubukas na ito. Sa pagsunod sa mga maliliit at paisa-isang hakbang na ito, matutulungan ang pandaigdigang iglesya na magampanan ang kaniyang pagkatawag, abutin ang mga pangangailangan ng mga miyembro at pangalagaan ang mga nasa-iglesya at ang mga nasa komunidad sa paligid nito.

Ang Ating Mga Gabay-Panuntunan sa Paggawa ng Desisyon

Upang makilala ang pagkatawag ng Diyos para sa mga iglesya na aking pinapayuhan sa lungsod ng Seattle, pinanghahawakan ko ang dalawang gabay-panuntunan: ang mga katotohanang biblikal at ang mga kaalamang maka-agham. Naniniwala ako na kapwa ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang mga ito.

Ayon sa talatang tinaguriang The Great Commandment, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos… at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37-39). Sa panahon ng pandemic na ito, naipakikita ang pagmamahal natin sa ating sarili sa kung paano natin pinangangalagaan ang ating kalusugan sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagkakasakit. Sa gayunding paraan, naipamamalas natin ang pagmamahal sa ating kapwa sa kung paano natin iniiwasan na sila ay dapuan ng karamdaman.

Gayunman, sa kabila ng ating pagtutuon ng pansin sa pagsugpo at pag-iwas sa COVID-19, dapat hindi rin natin mapabayaan ang ating espiritwal, emosyonal at sosyal na pangangailangan – sa ating mga sarili, at sa ating kapwa. Sa panahong ito ng social distancing, marahil pinakamahalaga pa rin sa ating mga iglesya na tugunan ang mga pangangailangang ito.

Bilang mga disipulo ni Kristo, natutugunan ang mga pangangailangang ito habang ipinamumuhay natin ang ating pagkatawag na sumamba, manalangin, palakasin ang isat-isa, mangaral ng ebanghelyo, mang-disipulo, at magsilbi. Gayunpaman, gawin natin ang mga ito sa paraang nababawasan o napapababa ang panganib ng pagkalat ng COVID-19. Samakatuwid, gamitin natin ang mga kaalamang maka-agham patungkol sa virus na ito upang maiwasan ang pagkalat nito sa ating mga iglesya.

Mga Bagong Maka-agham na Kaalaman Patungkol sa COVID-19

Bawat araw, mabilis na nadadagdagan ang ating maka-agham na kaalaman patungkol sa COVID-19 sapagkat sama-samang pinagtutuunan ngayon ng pansin ng mga pinaka-paham sa mundo ang pag-aaral sa virus na ito. Nakakapangalap din tayo ng maraming mga kaalaman ukol dito mula sa ibat-ibang mga bansa. Natututunan natin kung ano ba ang mabisa at hindi upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19. Marami sa mga kaalamang ito ay makatutulong sa ating mga iglesya habang pinaghahandaan ang muling pagbubukas ng mga bahay-panambahan at pagmiministeryo:

Una, mayroon na tayong mas malalim na pagkaunawa sa kung paano kumakalat ang virus na ito.

Taliwas sa mga nauna nating kuro-kuro ukol dito, talastas na natin ngayon na ang COVID-19 ay maaaring maikalat bago pa man magkaroon ng sintomas o palatandaan nito ang isang tao. Ipinaliliwanag ng kaalamang ito kung bakit napakabilis at madalas ay hindi kapansin-pansin ang pagkalat nito dahilan upang lalong maging mahirap ang pagsugpo sa pagkalat ng impeksiyon.

Alam na rin natin na hindi lahat ng maysakit ay nakahahawa sa ibang tao. May ilang mga salik na ayon sa pag-aaral ay may kaugnayan dito. Kabilang sa mga salik na ito ang mga sumusunod:

  • Kakayahang makahawa ng isang pasyente ng COVID-19
  • Mga gawaing nagpapataas sa pagpapakawala ng respiratory droplets at aerosols sa hangin
  • Gaano kalapit ang isang tao sa maysakit (mataas ang posibilidad na mahawa kung walang anim na talampakan ang layo)
  • Kulob na lugar kung saan wala o halos walang hanging galing sa labas
  • Tagal ng panahon o oras na ginugol malapit sa isang may karamdaman
  • Uri ng social network, hal. inter-generational na pagsa-sama-sama o pagtitipon

Mas mataas ang panganib na mahawa sa sakit habang mas marami ang naroon sa mga salik na ito. Habang iniiwasan naman natin ang pagkakaroon ng mga salik na ito, bumababa ang panganib na mahawa tayo (tingnan ang talaan sa ibaba).

May tumitibay at umiigting na siyentipikong basehan na ang mga bata at kabataan ay hindi madaling mahawa sa COVID-19. Mababa rin ang posibilidad na sila ay magpakita ng sintomas o palatandaan ng impeksiyon kapag sila ay kinapitan na ng coronavirus. Gayunman, ang dami ng virus na maaari nilang taglay at ang kakayahang makahawa sa iba ay walang pinagkaiba sa matatanda. Dahil mas madaling mahawaan ng COVID-19 ang mga nakatatanda, dapat mabawasan ang inter-generational contact o ang pagsa-sama-sama at pagtitipon-tipon ng mga bata, kabataan at matatanda sa iisang lugar.

Pangalawa, mas marami na tayong kaalaman patungkol sa mga pinsalang dulot ng COVID-19.

Noong una, mas pinagtuunan natin ng pansin ang mga panganib ng COVID-19 sa mga nakatatanda dahil mas mataas ang bilang ng mga nagkakasakit at namamatay na matatanda. Pagkatapos, napag-alaman natin na ang mga nakababata kung may mga malalalang kondisyon ng hypertension at diabetes ay mas madali ring mahawaan at maaari pang magkaroon ng higit na malalalang komplikasyon kapag kinapitan ng sakit. Sa katotohanan, sa US ay 60 bahagdan ng mga nadala sa ospital dahilan sa COVID-19 ang may gulang na mababa sa 65 taon.

Base sa mga pag-aaral kamakailan, lumalabas na 45 bahagdan ng mga Amerikanong nasa hustong gulang ang may mga kondisyong naglalagay sa kanila sa panganib ng mas malalalang komplikasyon ng COVID-19. Sapagkat mas marami ang bilang ng mga nakatatandang dumadalo sa mga panambahan, mas mataas din ang bahagdan ng mga miyembro ng iglesya na nasa panganib na makaranas ng mas malalalang komplikasyon ng COVID-19 kung sakaling sila’y tatamaan ng karamdamang ito.

Pangatlo, may mas maigi na tayong pagkakaunawa sa kung anong mga hakbang ng pag-iwas at pagsugpo sa virus ang epektibo.

Ang mga testing, contact tracing, at pag-quarantine sa mga maysakit at sa mga nakasalamuha ng mga ito ay maaaring magpagaan sa epekto ng COVID-19 pandemic kahit walang pangmalawakang lockdown. Gayunpaman, ang mga hakbang na ito ay dapat ipatupad ng mabilis at walang pagpapatumpik-tumpik. Nagawa ito ng matagumpay ng mga bansang South Korea at Taiwan. Sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong araw mula sa paglabas ng mga sintomas o palatandaan ng sakit, na-test na ang mga pasyente at nai-quarantine na rin ang mga nakasalamuha ng mga ito. Nagawa ito ng matagumpay sapagkat ang mga bansang South Korea at Taiwan ay may pinaka-matataas na antas ng testing sa buong mundo. Mayroon din silang sanay na sanay na mga contact tracers na nangangasiwa sa mabilis na pagtukoy sa mga nakasalamuha ng mga pasyente at sa agad na pag-quarantine sa mga ito. Gumamit din sila ng electronic tracking, isang hakbang na maaaring hindi katanggap-tanggap sa ibang mga bansa.

May katibayan na ang pagsusuot ng face mask ay may malaking kontribusyon sa pagpapababa ng paglalabas ng mga respiratory droplets at aerosols sa hangin kahit na ang isa ay umubo o sumigaw. Ang pangunahing pakinabang ng pagsusuot ng face mask ay ang pagsugpo sa pagkalat ng COVID-19 mula sa pinanggagalingan ng sakit – ang mga tinamaan na ng impeksiyon. Ang mga homemade masks ay hindi kasing epektibo ng mga surgical masks subalit nakatutulong ang mga ito. Karagdagan pa dito, ang paggamit ng face mask ay nakatutulong upang huwag mahawakan ng isang maysakit ang kaniyang ilong at mailipat ang virus sa mga surfaces na kaniyang mahahawakan. Nagbibigay ang face mask ng limitadong proteksiyon laban sa impeksiyong dulot ng COVID-19.

Pang-apat, sang-ayon ang mga eksperto na bababa ang antas ng impeksiyon ng COVID-19 sa mga komunidad subalit mananatili pa rin ito sa US hanggang sa hinaharap.

Ilang mga estado ang nagsimula nang mag-alis ng mga kautusang manatili ang kanilang mga mamamayan sa kani-kanilang mga tahanan. Ito ay sa kabila ng mataas pa rin ang bilang ng kaso ng COVID-19 o kaya naman ay nagsisimula pa lamang itong bumaba. Magbubunga ito ng pagtaas pa ng antas ng pagkalat ng sakit at ng muling pagkakaroon ng mga bagong kaso nito sa mga komunidad. Ang pagtaas na ito ay maaaring maapula sa pamamagitan ng malawakang testing, epektibong contact tracing at agarang pag-quarantine sa mga nakasalamuha ng nagkasakit. Gayunman, walang estado ang mayroong sapat na testing capacity at nakapagsanay na mga tauhang magsasagawa ng kaukulan at epektibong pag-trace at pag-quarantine.

Nariyan din ang hamon ng pagkalat ng COVID-19 mula sa isang estado patungo sa isa pa. Habang may mga bahagi pa rin ng bansa na hindi pa kontrolado ang banta ng epidemya, nananatili pa ring mahina laban sa pagkalat ng COVID-19 ang mga estadong napababa na ang bilang ng mga nagkakasakit nito. Maihahalintulad din ang senaryong ito sa pagkalat ng sakit mula sa isang bansa patungo sa isa pa. Mainam na halimbawa nito ang bansang Singapore. Nakontrol ng bansang ito ang unang bugso ng impeksiyon mula sa China subalit nakaranas ito ng pangalawang bugso mula sa Europa.

Paggawa ng isang Maka-Agham na Plano

Ang ating mga bahay-panambahan ay maituturing na high-risk na lugar sa pagkalat ng COVID-19. Maraming mga gawaing pansimbahan ang nagdadala ng mga salik na siyang magsisilbing dahilan ng airborne na pagkalat ng sakit na ito (tingnan ang talaan sa ibaba). Bukod pa sa riyan, mas malaki ang panganib na ang mga dumadalo sa ating panambahan ay magkaroon ng malalalang komplikasyon mula rito. Kung gayon, marapat lamang na maingat nating isa-alang-alang sa ating mga iglesya kung kailan at paano natin muling bubuksan ang mga panambahan at pagmiministeryo ng personal sa ating mga nasasakupan. Kinakailangang magkaroon tayo ng malinaw na plano para dito. Dapat taglayin ng planong ito ang mga sumusunod:

  • Sikaping mabawasan ang panganib na dala ng airborne na pagkalat ng COVID-19 sa panahon ng mga gawaing pansimbahan.
  • Maging alerto na gawing kontrolado ang pagpapatupad ng mga gawaing pansimbahan habang ang impeksiyon mula sa COVID-19 ay tumataas o bumababa.
  • Siguruhing agarang makikilala ang mga nakasalamuha ng isang naimpeksiyon o nagkasakit at tumulong na matunton sila kung kinakailangan.
  • Muli lamang ibalik ang mga gawaing pansimbahan at pagmiministeryong personal kung mayroon nang malinaw na katibayan na bumababa na ang antas ng impeksiyon sa komunidad.
https://datawrapper.dwcdn.net/

Isang Detalyadong Gabay sa Pagbabalik ng Pagmiministeryong Personal

Bumuo ako ng isang planong may apat na hakbang kasama ng binalangkas na mga gawaing maaaring gamitin ng mga iglesya. Maaari itong maipatupad ng kontrolado base sa antas ng pagkalat ng impeksiyon sa komunidad.

Sa panahong ito ng pandemic, layon ng planong ito na matulungan ang mga iglesya sa mga sumusunod:

  • Maipamuhay ang kanilang pagkatawag sa pagmimisyon
  • Matugunan ang mga pangangailangang sosyal, emosyonal at ispiritwal
  • Magbigay proteksiyon laban sa COVID-19
  • Suportahan ang mas malawak na pagkilos upang masugpo ang COVID-19

Habang iniaangkop natin ang planong ito sa ating mga iglesya, mahalagang tinutupad rin natin ang mga panuntunang ipinatutupad ng ating mga local na pamahalaan. Kung gayon, maaaring maiba ang bilang ng mga taong maaaring magtipon-tipon sang-ayon sa mga regulasyong pinaiiral sa bawat lugar. Nilalaman lamang ng talaan ang ilan sa mga karaniwang gawaing pansimbahan. Kung gagawa ng ng kaukulang desisyon sa pagpapatupad ng mga gawaing pansimbahan ng ligtas, isa-alang-alang ang mga salik sa unang talaan at ang mga binalangkas na gawaing maaaring ipalit sa ikalawang talaan.

https://datawrapper.dwcdn.net/

Pagpapamuhay ng ating Misyonal na Pagkakatawag sa pamamagitan ng maliitang pagtitipon

Habang niluluwagan ang mga kautusan hinggil sa pananatili sa loob ng tahanan, madalas na unang ipinatutupad ang pagkakaroon ng maliliit lamang na mga pagtitipon. Kung gayon ang mga maliitang pagtitipon ang unang gawaing pansimbahan na dapat nating ibalik at ipatupad. Manabik tayo sa gawaing ito sapagkat ang mga maliitang pagtitipon ay mainam na paraan upang maipamuhay natin ang pagkatawag ng Diyos sa atin. Sa maliitang pagtitipon, makabubuo tayo ng mas malalim na relasyon sa isat-isa, lalago sa Salita ng Diyos, makapagbibigay daan sa isang mas ligtas na kapaligiran para sa pagmamalasakitan at palakasin ang isat-isa sa pag-ibig at paggawa ng mabuti. Ang mga pangkat na ito ay may kakayahang gumanyak sa marami na ayaw pumasok sa mga bahay-sambahan subalit bukas sa imbitasyon sa isang tahanan. Maaari ring makatulong ang maliliit na pangkat na ito sa paghahanda para sa muling pagbubukas ng sama-samang panambahan. Magtitipon-tipon sila minsan sa isang lingo at pagkatapos ay maaaring makipagtipon sa iba pang maliliit na pangkat kapag naibalik na ang sama-samang panambahan sa mga iglesya.

Gaya ng mga inusig na mananampalataya sa Mga Gawa 8, na nangalat sa ibat-ibang dako malayo sa Jerusalem, ang ating mga ministeryo ay nangalat rin mula sa pagkakakulong sa apat na sulok ng ating mga bahay-panambahan. Sa pamamagitan ng pagbubuo ng maliliit na pangkat sa ating mga komunidad at sa pagbabalangkas sa kanila para sa muling panunumbalik ng sama-samang panambahan pagdating ng panahon, nagtatayo tayo ng isang matibay na pundasyon para sa mas malawak na pagmiministeryo.

Mababa ang panganib ng pagkalat ng COVID-19 sa mga maliliit na pangkat na ito. Mas mapapababa pa ito kung pananatilihin ang kanilang bilang at hahayaang ang bubuo sa mga ito ay halos magkakasing-gulang lamang. Kung mataas pa ang antas ng impeksiyon sa komunidad, karagdagang proteksiyon ang paggamit ng face mask sa mga pagtitipon ng pangkat. Sapagkat ang bawat isa ay magkakakilala, agad nilang masasabihan ang isat-isa kung mayroong magkakaroon ng palatandaan ng COVID-19. Magdudulot ito ng mabilis at agarang pag-self-quarantine sa mga miyembro.

Pagtugon sa sosyal, emosyonal at ispiritwal na pangangailangan

Nangangailangan tayong lahat ng human contact. Gayunman, madalas ay may kababawan ang mga pakikipag-ugnay na ito. Binigyan tayo ng pandemic ng pagkakataong bumuo ng mas malalalim na relasyon. Upang mapababa ang panganib ng paglaganap ng impeksiyon, kinakailangan nating bawasan ang bilang ng mga taong kinakasalamuha natin. Sa isang maliit na pagtitipon, mapapababa ng pakikipag-ugnay lamang sa iisang pangkat na halos kasing-edad natin ang panganib na mahawaan ng sakit. Mas matutugunan din nito ang ating mga sosyal, emosyonal at ispiritwal na pangangailangan.

Bulayin at dili-diliin natin ang istratehiyang ito na tila paglikha ng mga maliliit na bula ng kaligtasan sa ating mga iglesya. Kung mas maraming mga mananamba ang mamamalagi sa loob ng mga bula, mas ligtas ang bawat isa habang nananatili pa ang impeksiyon sa komunidad.

Pagbibigay proteksyon laban sa COVID-19

Kabag ibinalik at binuksan nang muli ang pananambahan at personal na pagmiministeryo sa ating mga iglesya, mahalagang panatilihin natin ang pisikal na distansiya na hindi bababa sa anim na talampakan. Bagamat ang physical distancing ay ginagawa nang indibidwal, maaari rin itong isagawa na isinasa-alang-alang ang social unit. Halimbawa, ang mga magkakapamilya ay maaaring magsama-sama sa iisang lugar sa loob ng ating bahay-panambahan. Bilang isang yunit, maaari natin silang ihiwalay sa iba pang mga pamilya o social units.

Malaki ang maitutulong ng pag-gamit ng facemask. Dahil lahat ng papasok sa isang bahay-panambahan ay matatawag na tagapangalat na asymptomatic, mababawasan ng pagsusuot ng facemask ng lahat ng dadalo sa pananambahan ang pagkalat ng virus. Hikayatin ang lahat ng dadalo na magsuot ng angkop na facemask. Inaalis nito ang stigma o mantsa ng pagkakasakit bagkus ay gumagamit ng peer pressure upang humimok ng pag-iingat.

Sapagkat hindi naman ganoon ka-epektibo sa pagsugpo ng pagkalat ng impeksiyon ang pagsusuot ng facemask lalo na kung ito ay homemade lamang, dapat huwag kaligtaan ang pagpapatupad sa iba pang maaaring paraan upang masupil ang paglaganap ng COVID-19. Ang physical distancing ay hindi praktikal sa mga maliitang pagsasama-sama sa mga tahanan kung kayat imbes na ito, pagsusuot ng facemask ang alternatibo habang matatas pa ang antas ng pagkakasakit sa komunidad.

Pagsuporta sa mas malawak na pagkilos upang masugpo ang COVID-19

Dahil mataas ang posibilidad na maging hanggang sa hinaharap ay nariyan pa rin ang COVID-19, maaaring lumaganap ang virus na ito kasabay ng pagbabalik ng personal na pagmiministeryo sa ating mga bahay-panambahan. Kung gayon, para sa kaligtasan ng buong kongregasyon, gayundin ng mga kaibigan, dapat maging handa ang ating mga iglesya sa pakikipagtulungan sa mga kagawarang pangkalusugan na matukoy ang mga nakasalamuha ng mga matutuklasang may karamdaman.

Ang una nating tungkulin ay ang agarang pagtukoy sa mga nakaugnayan ng pasyente ng COVID-19 nang siya ay dumalo sa pananambahan. Kung kinakailangan, ang mga namamahala rin sa iglesya ang siyang dapat kumausap sa mga nakaugnayang ito ng maysakit upang sila ay dagling makapag-self-quarantine at makapagpasuri na rin kung positibo na sa impeksiyon. Sa ganitong paraan, bagama’t maaaring nagkasakit ang mga naka-ugnayan ng pasyente, mapipigilan pa rin ang tuluyang paglaganap ng impeksiyon.

Ating tandaan na sa bilis at agarang pagkilos nakasalalay ang pagiging epektibo ng contact identification at testing. Kung gayon, dapat magkaroon ang mga iglesya ng mahusay na sistema ng pangangalap ng datos para sa mga magsisidalo sa pananambahan. Ang mga sumusunod ay ilang mga mungkahi na maaari nating isa-alang-alang upang magawa ito:

  • Gumawa ng seat plan upang matukoy kung saang lugar nakaupo ang lahat ng mga dumalo sa pananambahan. Mag-assign ng seat at row number sa lugar o silid kung saan magtitipon-tipon.
  • Siguruhing magpapatala ang lahat ng dadalo sa mga pananambahan. Ilista ang pangalan, numero at lugar kung saan umupo o pumuwesto ang nagpatala. Para sa isang pamilya, isa lamang ang kailangang magpatala subalit dapat mailista kung ilang miyembro ng pamilya ang dumalo sa pagtitipon.
  • Itabi ang listahan sa loob ng tatlong linggo.
  • Magtalaga ng tagalista sa lahat ng mga gaganaping pananambahan o pagtitipon. Magtalaga rin ng pinuno na makikipag-ugnayan sa kagawarang pangkalusugan at ng pinunong tutulong matukoy at masabihan ang mga nakasalamuha kung kinakailangan.

Kailan lilipat sa susunod na yugto

Marahil ang pinakamahirap na aspeto ng pag-gamit sa detalyadong gabay na ito ay ang pagdedesisyon kung kailan lilipat mula sa isang yugto patungo sa isa pa – kung magpapatuloy ba pasulong, o mananatili sa kasalukuyang yugto.

Maraming mga salik na dapat isa-alang-alang. Isa sa pinakamahalagang salik ay ang pangangailangan ng bawat miyembro ng iglesya. Kapag mayroong tunay na pangangailangan na matutugunan lamang kung maibabalik na ang pananambahan sa ating iglesya, humanap tayo ng paraan na mabuksan ang bahay-panambahan sa lalong madaling panahon.

Dapat subaybayan ng iglesya ang antas ng paglaganap ng impeksiyon sa komunidad. Kung ito ay mataas pa at patuloy na tumataas, hindi pa nararapat na muling magbukas ang bahay-panambahan. Subalit kung ang antas ng paglaganap ng impeksiyon ay mababa na o pababa na, maaari na tayong lumipat pasulong sa unang hakbang ng aking plano. Kung sa nakaraang tatlong linggo ay tuloy-tuloy ang pagbaba ng bilang ng nagkakasakit at namamatay, ligtas na tayong makakikilos pasulong sa unang yugto ng plano.

Gayunman, hindi sapat ang pababang bilang lamang sa statistika. Dapat ay tuluyan ng mababa ang antas ng impeksiyon upang tayo ay tuloy-tuloy na makausad pasulong. Kung walang malawakang testing, hindi natin malalaman ang tunay na antas ng impeksiyon sa ating komunidad. Hanggat walang mass testing, manghuhula lamang tayo alinsunod sa bilang ng mga kaso at namamatay na naiuulat. Hindi ito ideyal.

Sa pababang trend at mababang bilang ng mga kaso at namamatay, maaari nating isa-alang-alang ang iba pang mga salik na magpapausad sa atin sa unang hakbang sa lalong madaling panahon. Mahalagang sa puntong ito ay mapulsuhan natin ang saloobin ng mga lider ng iglesya, gayundin ng mga miyembro. Makatutulong ang pagkakaroon ng maliwanag na plano upang maunawaan ng bawat isa kung bakit at paano natin ginagawa ang desisyong ito.

Halimbawa, sa bilang ng populasyong gaya ng sa King County, Washington, kung saan ako nakatira (2.2 milyong tao), at sa tuloy-tuloy na pagbaba ng mga naitatalang dami ng mga kaso at namamatay bilang pundasyon, ang isang set ng mga pamantayan ay maaaring ganito (gagamit tayo ng rolling averages sa loob ng tatlong araw):

  • Hakbang 1: palagian < 5 namatay sa bawat araw para sa 3 magkakasunod na linggo
  • Hakbang 2: palagian < 1 namatay sa bawat araw para sa 3 magkakasunod na linggo
  • Hakbang 3: palagian < 5 mga kaso sa bawat araw para sa 3 magkakasunod na linggo
  • Hakbang 4: palagian < 1 na kaso sa bawat araw para sa 3 magkakasunod na linggo

Habang dumadami ang nate-test, at mas marami tayong natututunan tungkol sa COVID-19, makalilikha ang mga iglesya ng mas pihong mga panuntunan upang makausad mula sa isang hakbang patungo sa isa pa. Dahil ang COVID-19 pandemic ay maaring umigting o humina, ang pagtaas ng bilang ng mga kaso at ng mga namamatay ay maaaring gamiting batayan upang umatras ng isang hakbang kung kinakailangan.

Pamumuhay sa ating pagkatawag

Binago ng pandemic na ito ang ating buhay at ginulo ang ating daigdig. Ilang buwan pa lamang tayo sa pandemic na ito subalit ang mga pasakit at pangambang nararanasan sa ating paligid ay totoong-totoo. Nais nating mabuksan na ang ating mga bahay-panambahan sa lalong madaling panahon sapagkat nais nating tulungan ang ating komunidad.

Maaaring gamitin ng ating mga iglesya ang mga biblical na katotohanan at ang mga maka-agham na kaalaman bilang gabay sa pagdedesisyon kung kailan muling sisimulan ang personal na pagmiministeryo at kung paano ito gagawin ng ligtas. Habang nadadagdagan ang ating kaalaman, mas magiging mahusay at epektibo ang ating mga gagawing desisyon. Maaari pa nating mapagbuti ang planong aking iminumungkahi dito.

Kinakaharap ng iba pang mga iglesya sa buong mundo ang parehas na hamon habang sa kanilang mga bansa ay dahan-dahan na ring linuluwagan ang mga lockdowns. And detalyadong mga hakbang na aking inilarawan dito ay madaling gawin at sundan. Makatutulong ito na maging ligtas sa karamdaman ang maraming mga mananamba sa buong mundo.

Bilang pagtatapos, nais kong ipaalala sa inyo ang isang kasiguruhan. Ang COVID-19 pandemic na ito ay lilipas. Isang araw, magbabalik-tanaw tayo at makikita natin ng maliwanag na sa gitna ng pagsubok na ito ay kasama natin ang Diyos. Na kumikilos siya sa gitna ng lahat ng mga ito para sa ating ikabubuti. Kung gayon, maaari tayong lumapit sa kaniya ngayon at hilingan sa kaniyang pagkalooban tayo ng pang-unawa, pakikiramay at pananampalataya na gawin ang mga tamang desisyon para sa ating mga iglesya sa panahong ito.

Dalangin ko na ang artikulong ito ay makatulong sa inyong iglesya na maipamuhay ang kaniyang pagkatawag sa pagmimisyon, matugunan ang mga pangangailangan ng mga mananampalataya at maprotektahan ang inyong iglesya at komunidad sa kritikal na panahong ito.

Si Daniel Chin ay isang manggagamot na nagpakadalubhasa sa pulmonary at critical care medicine gayundin sa epidemiology. Mayroon siyang 25 taong karanasan sa pagtataguyod ng pandaigdigang kalusugang pampubliko. Noong 2003, pinamunuan niya ang misyon ng WHO sa China upang masugpo ang SARS epidemic.

Isinalin ni Ley Taberna

Editor’s note: What do you think of this translation? Want to see CT do more? Interested in helping us improve the quality and quantity? Share your feedback here.

You can read or share this article in Spanish, Portuguese, French, Chinese (Simplified or Traditional), Korean, Indonesian, Arabic, or Russian.

You can also now follow our best articles on our new Telegram channel. Come join us!

Our Latest

Kültürel Hristiyanlar da İsa’ya Gelsin

Dünya, inancımızın somut faydaları olduğunun yeniden farkına varıyor. Bu, müjde için bir fırsattır.

Okuryazarlık Sonrası Bir Çağda Kutsal Kitap Okuryazarlığı

Her zaman Söz’ün insanları olmalıyız, ancak Kutsal Yazılarla derin bir ilişki kurmayı yeniden tahayyül etmemiz gerekecek.

Sanat Topluluklarımız Öldüğünde Kilise Kaybeder

Hristiyan yazar ve sanatçılar, hem kiliseye hem de dünyaya en iyi şekilde hizmet edebilmek için benzer düşünen yaratıcı kişilerden oluşan topluluklara ihtiyaç duyarlar.

Kutsal Cuma’nın Yaralı Kilise Üyelerine Yanıtları

Mesih’in çarmıha gerilmiş bedeni kilise bedeninin yaşadığı acıyı taşır.

Kafanızın İçinde Sıkışıp Kalan Kutsal Ses

Akılda kalıcı şarkılara bayılırız. Tanrı da onları çok sever.

News

Er wordt weer gebeden in de eeuwenoude rotskerken van Petra

Ad Deir, ‘het klooster’, is het grootste monument van Petra. Oorspronkelijk waarschijnlijk een tempel voor een Nabatese koning; wanneer het een kerk is geworden, is niet bekend.

Fırtınalar Hayatta Kalmak İçin Neden Gereklidir?

Büyük Perhiz hayatın zorluklarını yeni bir gözle görmemize yardımcı olur.

Cevapların Olmadığı Bir Mevsimde Yaşamak

Kalp acısının ortasında “sessiz bir umuda” sahip olmayı öğrenmek…

Apple PodcastsDown ArrowDown ArrowDown Arrowarrow_left_altLeft ArrowLeft ArrowRight ArrowRight ArrowRight Arrowarrow_up_altUp ArrowUp ArrowAvailable at Amazoncaret-downCloseCloseEmailEmailExpandExpandExternalExternalFacebookfacebook-squareGiftGiftGooglegoogleGoogle KeephamburgerInstagraminstagram-squareLinkLinklinkedin-squareListenListenListenChristianity TodayCT Creative Studio Logologo_orgMegaphoneMenuMenupausePinterestPlayPlayPocketPodcastRSSRSSSaveSaveSaveSearchSearchsearchSpotifyStitcherTelegramTable of ContentsTable of Contentstwitter-squareWhatsAppXYouTubeYouTube